-- Advertisements --

Iniimbestigahan ng mga awtoridad ang isang viral na insidente kung saan tatlong indibidwal umano ang ginamit ang isang kanal sa Makati bilang pansamantalang tirahan.

Kumalat sa social media nitong Martes ang isang video na nagpapakitang may lumalabas mula sa butas ng drainage canal sa kanto ng V.A. Rufino at Adelantado Streets sa Barangay San Lorenzo.

Ayon sa Makati Police, batay sa CCTV footage, tatlong tao ang sunod-sunod na pumasok sa kanal bandang alas-4 ng hapon noong Lunes. Sa inisyal na imbestigasyon, kinilala silang mga palaboy mula sa Barangay Pio Del Pilar.

Natagpuan din sa loob ng kanal ang ilang gamit gaya ng screwdriver, pliers, at wrench, dahilan upang silipin din ang posibilidad ng kriminal na aktibidad.

Lumabas sa imbestigasyon na ang kanal ay konektado sa isang creek at posibleng may ugnayan din sa drainage system sa Amorsolo Street.

Samanlata dumating naman sa lugar ang mga kinatawan ng ‘Pag-abot Program’ ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang alamin ang kalagayan ng mga palaboy at magbigay ng tulong sa kanila.