-- Advertisements --

KORONADAL CITY- Nagdulot ng labis na takot sa mga residente ng Lambayong Sultan Kudarat ang pagkarekober ng 3 Improvised Explosive Device sa isang simbahan.

Ayon sa report, mabilis na rumesponde ang pinagsanib na pwersa ng Explosive Ordinance Division Team ng Sultan Kudarat PNP, 22nd Mechanized Company Phil. Army at Lambayong PNP matapos na makatanggap ng impormasyon na may mga IEDs na nakita sa harap ng simbahang katoliko sa bahagi ng Purok Rosal Barangay, Pimbalayan sa nasabing bayan.

Ayon sa isang residente sa lugar na si Sammy Bibat, natagpuan ng kanyang anak ang nasabing IED sa entrance mismo ng simbahan at nasa dalawang metro lamang ang layo sa gilid ng barangay road ng nabanggit na lugar.

Dito tumambad sa mag-ina ang isang bagay na may tatlong electrical cord at agad humingi ng tulong sa pinakamalapit na detachment na CAFGU at militar.

Sa ngayon, inaalam pa kung ano ang motibo at kung sino ang responsable sa paglagay ng nasabing IED sa labas ng simbahan.