-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Nagpapatuloy pa ang ginawang search and recovery operation ng rescuers upang matunton ang limang katao na natabunan mula sa gumuhong lupa sa Sitio Mabuhay,Barangay San Luis, Malitbog, Bukidnon.

Bunsod ito ng malawakang pag-ulan na epekto ng Bagyong Neneng na umaabot ang mga pag-ulan sa rehiyon ng Mindanao kaya nagkaroon ng mga pagbaha sa ilang pangunahing lugar katulad ng Cagayan de Oro,Misamis Oriental at Bukidnon.

Sa inisyal na isinalaysay ni Malitbog Mayor Gary Casiño,kilala ang mga patuloy na missing na mga empleyado na sina Nerio Talines,payloader operator, Raffy Simpruta,dump truck driver,helper nito na si Jordan Achas na lahat empleyado ng munisipyo at mga residente sa lugar.

Sinabi ni Casiño na kabilang rin na nabagsakan nang gumuhong lupa ay ang mag-asawa na sina Lucrecio at Angelita Labronal.

Una nang nakipahinga ang tatlong empleyado sa bahay ng mag-asawang Labronal mula sa isinagawang clearing operation nang bumigay ang lupa at tuluyan na natabunan ang mga biktima.

Sa ngayon,kinompirma ni Casiño narekober na ang driver ng dump truck na si Raffy nang matunton ng K-9 dog na ipinadala ng pulisya mula pa sa Malaybalay City Police Station ng Bukidnon.