-- Advertisements --

Nagtalaga ang Philippine National Police (PNP) ng tatlong freedom parks sa Manila para sa mga raliyista na nagpaplanong magsagawa ng protesta sa araw ng inagurasyon ni President-elect Ferdinand Marcos Jr.

Ayon kay PNP director for Operations Police Maj. Gen. Valeriano De Leon na napagkasunduang papayagan ang mga protester na magtipun-tipon at magpahayag ng kanilang mga hinaing bilang paggalang sa kanilang karapatan sa mga itinalagang freedom parks sa Liwasang Bonifacio, Plaza Dilao at Plaza Miranda.

Aniya, dito lamang sa mga lugar na ito maaaring magsagawa ng mga programa ang mga raliyista ng walang permit mula sa local government units.

Subalit paglilinaw ni De Leon na may ilang limitasyon na kailangang sundin ng mga ito partikular na kung ang aktibidad ay magdudulot ng inconvenience at makakagambala sa peace and order ng inagurasyon.

Magpapakalat ang PNP ng mga anti-riot policemen malapit sa freedom parks kaakibat ng pagpapatupad ng maximum tolerance.

Una rito, ilang mga grupo at indibidwal ang nagpaplano na magsagawa ng protesta sa gitna ng mga isyu na ibinabato laban sa Marcoses kabialng ang hindi pagbabayad ng buwis, isyu sa ill gotten wealth at paglabag sa karapatang pantao sa panahon ng Martial law.