-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Aalamin ng Department of Health (DOH)-10 ang basehan ng city council ng Cagayan de Oro City para ilagay ang tatlong barangay sa state of calamity.

Ito’y matapos na umabot na 15 katao ang namatay dahil sa dengue kung saan nagmula ito sa mga barangay ng unang distrito ng lungsod.

Sinabi ni DOH assistant regional director Dr. Dave Mendoza sa Bombo Radyo, na makikipag-ugnayan sila sa city health office at liderato ng konseho kung nasunod ba ang criteria ng state of calamity declaration kaugnay sa dengue.

Inihayag ni Mendoza na nais lamang nila matiyak ang basehan bago maglabas ng pondo ang ahensiya para pangdagdag na magamit ng mga apektadong barangay sa nakakamatay na sakit.

Partikular na isinailalim sa state of calamity dahil sa dengue ang mga barangay ng Carmen, Kauswagan at Balulang.

Kung maaalala, pumapangalawa ang Cagayan de Oro sa Iligan City ng Lanao del Norte na mayroong pinakamataas na kaso ng dengue at namatayan simula Enero hanggang Agosto nitong taon.

Una nang inamin ni DOH regional director Dr. Adriano Suba-an na lagpas na sa “alarming stage” ang bilang ng mga tinamaan na nasa mahigit 16,000 na at 68 rito ang nasawi mula sa iba’t-ibang bahagi ng rehiyon.