Ikinokonsidera ng pamahalaan ang tatlong mga bansa bilang employment markets para sa deployment ng mga overseas Filipino workers ayon sa ulat mula sa Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Lebanon.
Tinitignan na aniya ayon kay Labor attache Alejandro Padaen ang Turkey na nasa ilalim ng hurisdiksyon ng POLO gayundin ang mga bansang Georgia, Azerbaijan at north Cyprus bilang employment destination ng mga OFWs.
Aniya, magandang prospect ang Turkey bilang employment market para sa mga kababayang Pilipino sa oras na maging normal na lahat mula sa pandemya.
Dumarami na rin aniya ang Filipino workers sa Turkey kasabay ng regular na deployment sa naturang bansa kung saan sa kasalukuyan ay nasa 4,000 ang mga OFWs doon.
Ilan sa mga OFWs na nasa Turkey ay skilled workers, household services workers (HSWs) at ang mga nasa service sector.
Ayon sa POLO official nasa US$800 kada buwan ang minimum salary ng household service workers.
Halos doble ito sa sahod ng mga manggagawa sa ibang bansa.
Aabot aniya sa 11 foreign recruitment agencies ang accredited para sa employment ng household service workers.
Paalala naman ng POLO sa mga Pilipino na naghahanap ng trabaho sa ibang bansa na makipagtransaksyon lamang sa mga recruitment agencies na accredited ng gobyerno o ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA).