-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Tatlong bahay ang tuluyang natupok matapos masunog sa Purok 2, Quezon, Naguillian.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Punong Barangay Eugene Monterubio ng Quezon, Naguillian, Isabela na nagsimula ang sunog sa bahay ng isang Rosito Ramirez at nadamay ang dalawang kalapit bahay.

Batay anya sa kanilang nakuhang impormasyon na hinihinalang nagsimula ang sunog matapos matabig ng nag-aaway na pusa ang maliit na gasera na nagsisilbing ilaw sa kanilang altar ngunit nilinaw naman ng isa sa may-ari ng bahay na mayroong nagliyab sa likod ng bahay na maaring pinagmulan ng sunog.

Ang ipinagpapasalamat anya ng Punong Barangay ay walang nasugatan o nasawi sa naturang sunog at nakahandang tumulong ang barangay sa mga biktima ng sunog.

Nahirapan ang mga kasapi ng BFP na makapasok sa daan dahil masikip ang iskinita na papasok sa mga nasusunog na bahay kayat ginamitan na lamang ng mahabang hose ng fire truck upang maapula ang apoy.

Kabilang sa mga nasunog ay isang bunggalong bahay, isang 2-storey house at isang bahay na gawa sa kahoy.

Unang tumugon ang mga kasapi ng BFP Naguillian at sunog sunod ding dumating ang mga fire trucks ng BFP Ilagan City, Phil. Chinese Chamber of Commerce, BFP Benito Soliven, BFP San Mariano, at fire truck ng 5th Infantry Division ng Phil. Army.