LA UNION – Nagtamo ng sugat sa kaliwang braso ang isang paslit matapos kagatin ng unggoy sa Botanical Garden sa Barangay Cadaclan, San Fernando City, La Union.

Nakilala ang biktima na si Quinny Xyler Tip-ac, tatlong taong gulang na residente ng Suyoc, Mankayan, Benguet.

Base sa salaysay ng tiyahin na si Joan De Los Santos, 36, may asawa, at pinsang si Maricel Baniaga, 23, dalaga, kapwa residente ng Balili, La Trinidad, Benguet, nagtungo ang mga ito sa Botanical Garden para mamasyal nang ipinasok ng paslit ang kaliwang braso nito sa hawla ng mga unggoy kung saan isa sa mga hayop ang kumagat sa kanya.

Ayon pa sa kanila, hindi sila nasabihan hinggil sa pagsalakay ng mga hayop at wala ring warning sign.

Wala rin anilang medical first aid kit.

Sa ngayon, may ugnayan na ang pamilya ng paslit sa San Fernando City Government para sa anti rabies vaccination.