Aabot sa 3.6 million COVID-19 vaccines na binili ng pribadong sektor ang nag-expire o nagpaso na ngayong araw, July 27 habang nasa kabuuang 632,000 vaccine doses naman ang nakatakdang mag-expire sa araw ng Linggo, July 31.
Ito ang kinumpirma ni dating presidential adviser for entrepreneurship Joey Concepcion.
Nauna nang ibinabala ni Concepcion na nasa 1.6 million na Astrazeneca at Moderna vaccine doses ang mag-expire ngayong Agosto.
Subalit nilinaw ni Concepcion na kung pagsasamahin ang bilang na ito sa nakatakdang magpaso na vaccine doses sa araw ng linggo aabot ito sa kabuuang 4.2 million doses ng COVID-19 vaccines mula sa pribadong sektor ang masasayang.
Nasa 3.6 million dito ay Moderna vaccines ar 632,000 Astrazeneca vaccines.
Sa kabuuan ang halaga nito ay katumbas sa P5.1 billion.
Iginiit naman ni Concepcion na masyadong huli na ang naging desisyon ng Health Technology Assessment Council (HTAC) na nagpapahintulot sa nationwide rollout ng ikalawang booster doses para sa lahat ng adults edad 50-anyos pataas at edad 18-anyos hanggang 49-anyos na mayroong comorbidities dahil milyong mga bakuna kontra sa COVID-19 ang nasayang na.
Inirekomenda naman ni Concepcion na para maiwasan na maulit na mangyari ito kailangan na pagplanuhan ng maigi ng DOH ang ganitong mga challenging situation katulad ng naturang insidente na nagresulta ng milyong doses ng COVID vaccines ang hindi na mapapakinabangan.