-- Advertisements --
image 14

Muling nakasagip ng mga indibidwal na nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na umano’y kapwa mga biktima ng human trafficking ang Philippine National Police (PNP).

Sa pulong balitaan ay iniulat ni PNP Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM) Director Police Major Gen. Eliseo DC Cruz na nasa 29 na mga POGO workers ang nasagip ng mga tauhan ng Philippine National Police-Women and Children Protection Center (PNP-WCPC) sa Paranaque City.

Nasa 23 sa mga na-rescue ay pawang mga Myanmar nationals habang ang natitiran anim naman ay mga Chinese nationals.

Batay sa naging imbestigasyon ng pulisya,ang mga biktimang Myanmar nationals ay ni-recruit sila mula sa Dubai na magtrabaho sa Pilipinas bilang mga customer service representative.

Ngunit kalauna’y lumabas na isa palang operator ng dalawang POGO sa Pilipinas ang Myanmar national na nagrecruit sa kanila.

Sa naging salaysay dalawa sa mga naunang biktima, pinangakuan din umano sila ng 60 libong pisong sweldo pero sa halip na kumita ng pera ay nagkautang pa ang mga ito ng mahigit tatlong milyong piso sa kanilang mga employer.

Hindi rin daw sila pina-swelduhan ng kanilang mga employer at hindi pinapakain, ikinukulong, binubugbog at puwersahang pinagtatrabaho ng 14 na oras kada araw bilang mga online scammer.

Samantala, sa kasalukuyan ay nananatili parin sa pangangalaga ng PNP-WCPC ang mga biktima habang inaasyos ang kanilang mga dokumento para agad naman mai-turn over ang mga ito sa kani-kanilang mga embahada.