-- Advertisements --

Aabot sa 28,000 mangingisda at kanilang pamilya na naninirahan malapit sa Manila Bay ang apektado ng pananalasa ng nagdaang bagyong Carina at Habagat.

Sa initial monitoring at assessment ng grupong Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya), nasa 8,000 mangingisda at residente malapit sa baybayin mula sa 2 barangay sa Tansa, cavite ang apektado.

Inilikas ang mga ito dahil sa matinding pag-ulan habang ang bahay naman ng 30 mangingisda ay nasira ng malalakas na hangin at malalaking alon.

Nasa mahigit 5,000 mangingisda naman ang nasalanta ng matinding pagbaha sa kanilang coastal village sa Rosario Cavite at 3,000 na mangingisda at magtatahong ang sinalanta din ang matinding mga pag-ulan at pagbaha mula noong mga nakalipas na araw sa Bacoor.

May mahigit 12,000 bahay naman ng mga mangingisda sa Navotas city ang nalubog sa tubig baha.

Ayon pa kay Pamalakaya vice chairperson Ronnel Arambulo, maraming mga mangingisda sa lalawigan ng Cavite ang mahigit sa dalawang buwan ng hindi nakakapalaot dahil sa epekto ng habagat na pinaigting pa ng nagdaang bagyo.

Kaugnay nito, hinimok naman ng grupo ng mangingisda ang pamahalaan na ilaan ang portion ng P31 billion Calamity Fund gayundin ang P1 billion Quick response Fund ng DA para sa economic aid at livelihood assistance sa maliliit na mangingisda at mga residente sa Manila Bay.