Aabot sa 28 immigration officers ang iniimbestigahan ngayon ng Bureau of Immigration (BI) dahil sa kanilang pagkakasangkot sa departure ng nasa 44 babae na umano’y iligal na pinadala sa Syria.
Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, ang mga immigration officers na ito ay posibleng maharap sa karampatang kaso kapag mapatunayang guilty o nagkasala.
Nauna nang sinabi ni Morente sa isang pagdinig sa Senado na ipinag-utos na niya ang pagbuo ng isang fact-finding committee na siyang mag-iimbestiga sa kung paano nakalabas ng bansa ang mga biktima.
Sa pagdinig ng Senate committee on women, children, family relations and gender equality, sinabi ni Morente na nakatanggap sila ng impormasyon mula sa Department of Foreign Affairs (DFA) Office of the Undersecretary for Migrant Affairs hinggil sa 44 babae na nasa Syria na biktima ng human trafficking syndicates.
Mula noong 2017 hanggang 2020, nabatid na ang kabuuang bilang ng mga Pilipino na napigilang lumabas ng bansa dahil sa walang dalang mga wastong dokumento ay aabot sa 112,033.