Natagpuan ang mataas na antas ng oil and grease contaminants sa 26 na lugar sa Puerto Galera, Oriental Mindoro.
Ayon kay Department of Health (DOH) Officer-In-Charge Maria Rosario Vergeire kasama ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na siyam lamang sa 35 sampling stations na na-test sa Puerto Galera ang nakakatugon sa pamantayan para sa Water Quality Guidelines at General Effluent Standards ng 2016 ng DENR.
Ang siyam na lugar na ito ay ang Small Lalaguna at Big Lalaguna Shoreline, Balete, Central Sabang Shoreline, Coco Beach, Batangas Channel, Paniquian, Balatero, at West San Isidro Bay.
Ang mga resulta ng pagsusuri sa kalidad ng tubig ay inilabas noong Abril 14.
Kaya naman, ipagpapatuloy pa rin ang mga pansamantalang pagpapatigil sa mga water activities lalu na ang pangingisda sa nasabing mga lugar.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang pagtugon ng mga kinauukulang ahensya upang matulungan ang libu-libong residente na apektado ng malawakang oil spill.