Sisimulan nang dinggin ng House committee on legislative franchises sa susunod na linggo ang mga panukalang batas na gagawad sa ABS-CBN ng karagdagang 25 taon na prangkisa, ayon kay Speaker Alan Peter Cayetano.
Ginawa ni Cayetano ang naturang pahayag matapos na magdesisyon siya at ang iba pang mga lider ng Kamara na bawiin at isantabi na lamang ang provisional franchise bill at ituloy na lang sa halip ang pagtalakay sa 25-year franchise ng ABS-CBN.
“The deliberations by the committee on legislative franchises will continue during our recess,” giit ni Cayetano sa isang panayam.
“They will not stop until they are finished so that no one can say we’re stopping the process or dragging our feet,” dagdag pa nito.
Mababatid na mismong si Speaker Cayetano pa, kasama ang pitong iba pang lider ng Kamara, ang naghain ng House Bill 6732, na naglalayong bigyan ng provisional franchise ang Lopez-led broadcast company na tatagal lamang ng hanggang Oktubre 31, 2020.
Inaprubahan ang panukalang ito noon pang Miyerkules ng nakaraang linggo, sa kaparehas na araw kung kailan ito inihain at inaprubahan naman ng House Committee of the Whole.
Subalit, ibinalik ito sa period of interpellation and amendments noong Lunes ng hapon.