-- Advertisements --

Nananatiling mahaba ang pila ng mga tao na nais sumilip at makidalamhati kay Queen Elizabeth II na nakalagak ngayon sa Westminster Hall.

May inilagay ang mga kapulisan ng barrier at hinihiwalay sa grupo ng 20-katao ang pinapayagang makapasok sa loob.

Mananatili ang bangkay ni Queen Elizabeth II hanggang sa araw ng libing nito sa Setyembre 19 sa oras ng 1:30 ng hapon oras sa Pilipinas.

Magiging bukas ang Westminster hall ng 24-oras.

Ang kabaong ay nakapatong sa platform na tinatawag na catafalque at ito bantay sarado ng mga sundalo na nagsilbi sa Royal Household.

Nakabalot ang kabaong ng Royal Standard sa ibabaw nito ay Imperial State Crown, orb at sceptre.

Ang Westminster Hall ay itinayo noong 1097 na nagkaroon ng mahalagang papel sa British history ng ilang siglo.

Noong Lunes kasi ay doon nagtalumpati si King Charles sa harap ng mga miyembro ng parliyamento doon din isinasagawa ang coronation banquet at doon din tinatanggap ang mga mahahalagang bisita gaya nina Nelson Mandela, French President Charles de Gaulle, Pope Benedict, at US President Barack Obama.

Ang huling miyembro ng Royal Family na nakalagak sa Westminster ay si Queen Mother noong 2002 kung saan mahigit 200,000 katao ang pumila para makiramay.

Hindi lamang mga Royal Family ang inilalagay sa Westminster Hall dahil noong pumanaw si dating Prime Minister Winston Churchill ay doon inilagak noong 1965 at ang mga biktima ng R101 airship disaster noong 1930.