
Simula bukas, Oktubre 27 papakilusin na ng National Electrification Administration (NEA) ang power situation monitoring nito ng 24 oras ilang araw bago ang nakatakdang pagdaraos ng Barangay at SK elections sa araw ng Lunes, Oktubre 30.
Ito ay upang matiyak na rin ang maayos na pagsasagawa ng lokal na halalan sa pakikipagtulungan na rin sa 121 electric cooperatives na nasa ilalim ng kanilang hurisdiksiyon.
Ayon sa ahensiya, nagsagawa na ito ng dry-run sa naturang monitoring kasama na ang reporting protocols noong Oktubre 25 bilang pagtalima na rin sa Resolution No. 10924 tungkol sa BSKE.
Sa ilalim ng guidelines ng Comelec, kinomisyon ang NEA para magbigay at panatilihin ang stable at tuluy-tuloy na kinakailangan suplay ng kuryente sa buong bansa mula sa pagsisimula ng botohan hanggang sa matapos ang bilangan ng mga boto at pagproklama sa mga mananalong kandidato.
Kaugnay nito, maaga pa lamang noong Agosto 29 ay bumuo na ang ahensiya ng Power Task Force Election 2023 bilang pagghahanda sa nalalapit na lokal na halalan sa bansa.










