-- Advertisements --

Sisimulan na ng Manila City Government ang kanilang 24/7 vaccination drive laban sa COVID-19 bukas, Agosto 8.

Pero sinabi ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso na tanging ang mga indibidwal na pasok sa A1, A2, A3, at A5 priority groups ang babakunahan para sa kanilang first dose.

Mahigpit din ang bilin ng alkalde na bawal muna ang walk-ins sa mga vaccination sites ng lungsod.

Ayon kay Moreno, aabot sa 2,000 doses ng bakuna ang ituturok sa Isabelo Delos Reyes Elementary School, the Holy Trinity Academy, at Jacinto Zamora Elementary School.

Ang bakunahan sa tatlong vaccination sites na ito ay magsisimula ng alas-7:00 ng gabi.

Samantala, ang pagbabakuna naman sa mga indibidwal mula sa kaparehong kategorya sa 15 iba pang mga paaralan ay magsisimula ng alas-7:00 ng umaga hanggang alas7:00 ng gabi.

Bawal din ang walk-ins sa mga school vaccination sites na ito.

Sinabi naman ni Moreno na kaya hindi kasama sa mga mababakunahan ang mga indibidwal na nasa A4 category o essential workers dahil ang mga bakunang gagamitin ay manggagaling sa COVAX Facility.

Salig din aniya ito sa bilin ng Department of Health.