Nilagdaan na ni Manila Mayor Isko Moreno ang executive order na magbibigay pahintulot sa mga food take-out at delivery services na maglingkod 24/7 sa mga customers.
Ito ay sa kabila ng lockdown dulot ng coronavirus pandemic.
Sa ilalim ng Executive Order No. 35, isa umano ito sa mga hakbang na naisip ng Lungsod ng Maynila upang unti-unting buksan ang kanilang ekonomiya partikular na ang food at restaurant industry.
Para na rin daw mabalanse ang pangangailangan ng publiko na siya ring magsisilbi bilang stimulus ng economic growth.
Batay din sa naturang executive order, papayagan na mag-operate ang mga restaurants kahit lagpas na sa curfew hours ng lungsod ngunit kailangan nilang siguraduhin na tanging mga authorized persons na naninirahan sa labas ng Maynila ang pwede nilang paglingkuran.
Samantala sa ibang lungsod naman ay 30 percent lamang ng capacity ng mga dine-in restaurants ang papayagan ngayong ibinalik na sa General Community Quarantine (GCQ) ang National Capital Region (NCR).