-- Advertisements --

Aabot na sa mahigit 200 diplomatic protest kontra China ang inihain ng Pilipinas magmula nang mupo sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Ayon kay DFA Asec. Eduardo Meñez kabuuang 231 protests ang naihain na ng Pilipinas laban sa Beijing hanggang noong Nobyembre 18, 2021.

Karamihan sa mga protestang ito ay sagot sa mga hakbang ng China sa mga Pilipino sa West Philippine Sea, kabilang na ang harassment ng Chinese Coast Guard vessels sa dalawang resupply boats ng Pilipinas sa Ayungin Shoal.

Mariing kinondena ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. ang insidente sa Ayungin Shoal, na nangyari noon lamang Nobyembre 16.

Mababatid na ang Ayungin Shoal ay matatagpuan sa layong 174 nautical miles mula sa Puerto Princesa City, Palawan, at isa sa siyam na lugar na inookupa ng mga tropa ng pamahalaan ng Pilipinas sa West Philippine Sea.