-- Advertisements --

Higit sa 200 mag-aaral ang dinukot ng mga armadong lalaki mula sa isang paaralan sa Kuriga Nigeria noong Huwebes, Marso 7, 2024.

Ito ay matapos ang naging pag-atake ng naturang armadong grupo sa nasabing lugar sa kasagsagan ng morning assembly ng Local Government Education Authority School sa bayan ng Kuriga.

Ayon sa home economics teacher sa nasabing paaralan na si Sani Abdullahi, aabot sa 187 na mga mag-aaral mula secondary section ang dinukot habang nasa 40 naman ang bilang ng nadakip sa primary section.

Samantala, sa bukod naman na pahayag ay sinabi ni Local councilor for Kuriga Idris Maiallura na una nang may dinukot na 100 primary schools pupils ang mga suspek na kalaunan ay kanila namang pinakawalan, habang ang iba naman ay nagawang makatakas.

Hindi naman naiwasan ng mga magulang at ibang residente na isisi sa kapabayaan at kakulangan ng seguridad sa lugar ang naging sanhi ng madaling pagdukot sa mga biktima.

Gayunpaman ay tiniyak ni Kaduna state Governor Uba Sani na gagawin nito ang lahat upang maibalik sa kanilang mga pamilya ang iba pang mga estudyanteng biktima ng abduction.

Ayon mga kinauukuulan, sa ngayon ay ito na ang maituturing na pinakamalaking bilang ng mass abduction na nangyari sa isang paaralan.

Hindi kasi ito ang unang pagkakataon na may nangyaring pandurukot sa lugar sapagkat noong Hulyo 2021, 150 na mga mag-aaral din ang dinukot ng isang grupo ng mga armadong kalalakihan kung saan makalipas ang ilang buwan ay tsaka lamang nila muli nakapiling ang kanilang mga pamilya kapalit ng pagbabayad ng ransom.