Iniulat ng Department of National Defense na nagpahayag na ng suporta ang 21 mula sa 29 na mga alkalde sa lalawigan ng Cagayan pahinggil sa usapin ng pagtatatag ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites.
Ito ay kasunod ng inilabas na resolusyon ng League of Municipalities of the Philippines-Cagayan chapter na sumusuporta sa pagtatatag ng mga base militar ng Amerika sa Pilipinas sa kabila ng patuloy na pagtaliwas ni Cagayan Governor Manuel Mamba sa naturang kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Amerika.
Ayon kay DND Secretary Carlito Galvez Jr., sa katunayan pa nito ay mayroon pang isang munisipalidad sa naturang lalawigan ang nagpahayag ng pagbibigay ng donasyon na kapirasong lupa na maaaring gamitin ng Philippine military sa ilalim ng EDCA.
Aniya, ang pagsuportang ito ng mga lokal na punong ehekutibo sa lalawigan na sumusuporta sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas ay nagpapatunay lamang ng pagpapahalaga ng sambahayanang Pilipino sa mga merito ng EDCA, hindi lamang para sa pagpapahusay pa sa pambansang seguridad ng Pilipinas kundi pati na rin sa pagbibigay ng mga pagkakataonupang higit pang paunlarin ang ating mga lokal na komunidad.
Maaalalang dalawa sa mga panibagong EDCA sites ang itatatag sa lalawigan ng Cagayan partikular na sa Camilo Osias Naval Base sa bayan ng Sta. Ana, at gayundin sa Lal-lo Airport sa bayan ng Lal-lo.
Ang EDCA ay bahagi ng commitment ng Pilipinas sa Mutual Defense Treaty nito sa Estados Unidos noong Agosto 30, 1951 na layuning suportahan ang isa’t-isa sakaling magkaroon man nang anumang uri ng pag-atake sa alinmang bansa mula sa mga kalaban.