-- Advertisements --

Naniniwala ang ilang mga eksperto sa bansa na hindi kailangan sa ngayon na palawigin ng hanggang 21 araw ang quarantine period para sa mga taong mayroong exposure sa COVID-19 virus.

Ito ay kahit pa sa ibang mga bansa tulad na lamang ng Hong Kong at China ay pinahaba na ng tatlong linggo ang quarantine period dahil sa iba’t ibang nagsulputang variants ng COVID-19.

Sa isang panayam, sinabi ni Ivan Imperial, professor sa University of the Philippines, hindi kailangan sa ngayon na paabutin ng 21 araw ang quarantine period dahil maaring maayos naman para sa Pilipinas ang kasalukuyang 14-day quarantine period.

Sinabi naman ni health reform expert Dr. Tony Leachon na dapat pag-aralan at bantayan ng mga awtoridad ang mga kaso sa Pilipinas na positibo sa UK variant ng coronavirus.

Maari aniyang magsagawa ng pilot test kung saan isasailalim sa isolation ang mga nagpositibo sa UK variant ng coronavirus, at kung may makumpirmang mayroong residual o matagal bumaba ang antibodies sa katawan ng tao, saka na lamang ipatupad ang 21-day quarantine sa buong National Capital Region muna.

Sa ngayon, wala pang rekomendasyon ang Task Force sa UK variante patungkol sa 3-week quarantine habang sinabi naman ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases na kanilang tatalakayin pa ang usapin na ito.

Pero ayon sa mga awtoridad, base sa mga datos sa kasalukuyan, sapat naman na ang 14-day quarantine para maiwasan ang pagkalat ng virus.