Inaasahang maapektuhan ang aabot sa 20,000 mananakay sa nakatakdang 5 taong pansamantang tigil-operasyon ng Philippine National Railways (PNR) sa Metro Manila.
Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Undersecretary Jeremy Regino, ang suspensiyon ng operasyon ng PNR sa Governor Pascual (Malabon)-Tutuban (Manila) at Tutuban (Manila)-Alabang (Muntinlupa) simula sa Huwebes Santo sa Marso 28 ay para bigyang daan ang kontruksiyon ng pillars ng elevated North-South Commuter Railway System.
Ang naturang railway ay 147 kilometers elevated railing system mula Clark, Pampanga patungong Calamba, Laguna na babagtas sa buong Metro Manila gamit ang right-of-way ng PNR.
Para naman sa kompensasyon para sa tigil operasyon ng PNR at pag-accommodate sa mga apektadong pasahero, nakikipag-ugnayan ang DOTr sa LTFRB para sa pagbubukas ng bagong ruta ng mga bus, pagpapakalat ng 25 air conditioned bus at pagiisyu ng special permits para sa mga bus operator.
Sakali man na tumaas ang bilang ng mga pasahero, magdaragdag aniya ng mga bus sa lugar na apektado ng tigil operasyon ng PNR.