-- Advertisements --

Kumpiyansa si House Speaker Martin Romualdez na sa loob ng isang linggo ay maaari nang mai-transmit ng Kamara patungong Senado ang 2023 General Appropriations Bill (GAB).

Ito ay matapos magkasundo ang small committee na i-realign ang nasa P77.5 billion na pondo.

Ayon kay Romualdez, trabaho ng kongreso na rebyuhin ang isinumiteng National Expenditure Program (NEP) ng ehekutibo, at magpatupad ng pagbabago sa mga probisyon nito na sa tingin nila ay hindi magagastos ng tama o buo ang budget.

Dagdag pa ni Speaker very transparent ang isinagawa nilang re-alignment sa mga pondo sa pamamagitan ng institutional amendments.

Hindi naman sinabi at tinukoy ni Romualdez kung mayroong confidential o intelligence fund na nabawasan o nagalaw.

Ayon sa pamunuan ng Kamara ang mga programa o expenditure na hindi naman kailangan pondohan ng buo sa ngayon, ang siyang pinagkuhanan ng realigned fund para sa mas mahahalagang programa.

Sa kabilang dako, una nang hiniling ni Independent Minority at Albay 1st District Representative Edcel Lagman, na alisin sa 2023 GAB ang aniya ay ‘unnecessary’ confidential fund na aabot sa P9.29 billion, at ilagay na lamang sa mas importanteng programa at serbisyo ng gobyerno.

Sa panig naman ng minority nagpadala na sila ng kanilang individual sa binuong small committee.

Ayon kay House Deputy Minority Leader at Northern Samar Representative Paul Daza posibleng ma transmit na ang 2023 GAB sa Senado at sa susunod na buwan ng Nobyembre ay itatakda na ang Bicameral sa pagitan ng Kamara at Senado.