LEGAZPI CITY – Malaking karangalan para sa pinakabatang surfer na mapasama sa Team Philippines para sa 2021 International Surfing Association World Surfing Games.

Isa itong final qualifying event upang makapasok sa Tokyo Olympics.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Vea Estrallado, 17-anyos na residente ng Gubat, Sorsogon, hindi aniya nasayang ang pitong taon na pagsasanay upang maging magaling na surfer at maging ganap ng miyembro ng Team Pilipinas.

Ang 2021 ISA World Surfing Games ay ang pinakauna at pinakamalaking international competition na sasalihan nito.

Malaki rin ang pasasalamat ni Estrallado sa coach nito na siyang humubog at nagturo ng surfing noong ito ay siyam na taong gulang pa lamang.

Aminado rin ang dalagitang surfer na kinakabahan siya sa darating na laban subalit tiniyak na gagawin ang lahat upang maiuwi ang tagumpay sa Pilipinas.

Sa ngayon, tuloy-tuloy na ang training ni Estrallado at pagkondisyon sa physical at mental health bilang paghahanda sa papalapit sa kompetisyon.

Gaganapin ang nasabing sporting event sa El Salvador, USA, sa darating na Mayo 29 hanggang Hunyo 6.