-- Advertisements --

Umaasa si House Speaker Alan Peter Cayetano na bago matapos ang taon ay mapipirmahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang P4.5-trillion national budget para sa 2021.

Sa isang panayam sinabi ni Cayetano na target ng Kamara na matapos ang lahat ng deliberasyon ng 2021 budget ngayong buwan para malagdaan ng presidente sa unang linggo ng Disyembre.

Ayon sa lider ng Mababang Kapulungan ng Kongreso, magkakaroon ng mas mahabang panahon ang government agencies na asikasuhin ang kanilang mga bidding at procurement kapag maagang napirmahan ang panukalang pambansang pondo.

Kakainin daw kasi ng mahabang panahon ang nasabing mga proseso kaya mas angkop umano na malagdaan ang panukalang batas ng mas maaga.

Tiniyak naman ni Cayetano na magiging transparent ang delibarasyon ng mga budget, bilang tugon sa mga pangamba laban sa mga singit at “pork” funds.