Aabot ng P106 billion na financial grants ang matatanggap ng 4.3 million pamilyang sakop ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa susunod na taon.
Ayon kay House Deputy Speaker Mikee Romero, ang naturang halaga ay nakapaloob sa P169.3-billion 2021 budget ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Mababatid na sa 4Ps ay nakakatanggap ng P1,500 ang bawat qualified family sa kondisiyon na nag-aaral ang kanilang mga anak at dumadalo sa family development sessions.
Sinabi ni Romero na ang pondo para sa naturang programa sa susunod na taon ay mas mataas ng P5 billion kung ikukumpara sa P101 billion alokasyon ngayong 2020.
Nangangahulugan lamang aniya ito na mas marami ring mahihirap na pamilya ang makakatnaggap ng financial assistance mula sa pamahalaan.
Samantala, hinihimok naman ni Romero ang Land Bank of the Philippines at iba pang participating banks na bawasan ang kanilang sinisingil na service fees.