-- Advertisements --

Tumaas ng 9 percent ang pondo ng Department of National Defense (DND) para sa susunod na taon.

Sa pagdinig ng House Committee on Appropriations Committee, sinabi ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na P208.7 billion ang kanilang 2021 budget allocation.

Mas mataas ito ng P16.96 billion kung ikukumpara sa P191.7 Billion ngayon namang 2020.

Ito ay resulta nang pagtaas ng inilaang pondo para sa Personnel Services na nasa P2.4 Billion, Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) na P7.6 Billion at Capital Outlay na nasa P6.89 Billion.

Sinabi ni Lorenzana na sa kanilang 2021 budget ay P96.8 Billion ang mapupunta sa Army, P29.8 Billion saAir Force habang P31.2 Billion naman sa Navy, at aabot naman sa P33 Billion ang pondo para sa AFP modernization sa 2021.