Nilagdaan na ni Speaker Lord Allan Velasco ang final copy ng proposed 2021 General Appropriations Bill na naglalaman ng P4.5-trillion national budget para sa susunod na taon bago pa man ito isumite kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa litrato na ibinahagi ni House Committee on Appropriations chairman Eric Yap sa kanyang Instagram account, makikita na pinipirmahan ni Yap ang 2021 budget bill.

Kasama sa litrato sina Yap at House Secretary General Mark Llandro Mendoza.

Bukod sa lagda ni Velasco, kailangan din ng pirma ni Senate President Vicente Sotto III bago maiakyat ang budget bill sa opisina ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Nauna nang sinabi ni Velasco na ang 2021 national budget ay ang “single-most powerful too” para matugunan ang COVID-19 pandemic at matulungan ang mga Pilipino at ang ekonomiya na makabangon sa epekto nito.

Nakapaloob sa pinal na bersyon ng 2021 budget bill ang P72.5 billion sa regular at unprogrammed funds para sa COVID-19 vaccine procurement, storage, at distribution sa 2021.

Nasa P23 billion din ang na-realign na pondo para sa rehabilitation naman ng mga komunidad na apektado ng mga malalakas na bagyo sa nga kalipas na mga buwan.

Pagdating sa alokasyon kada sektor, ang education sector ang siyang nakatanggap pa rin ng pinakamalaking pondo sa susunod na taon, na nagkakahalaga ng P708.2 billion.

Sinundan ito ng Department of Public Works and Highways, na may P694.8 billion.