
Patuloy na nakakakita ang US government ng improvement sa kampanya ng Pilipinas laban sa pagiging talamak ng human trafficking sa bansa.
Nananatili kasing nasa Tier 1 rank ang Pilipinas batay sa pinakabagong 2020 Trafficking in Persons report na inilabas ng American government.
Ibig sabihin lamang nito na natutugunang mabuti ng bansa ang minimum standards para sa tuluyang pagtanggal ng trafficking. Sa kabila raw kasi ng hinaharap na COVID-19 pandemic, ay hindi humihinto ang Pilipinas na ipakita ang mga hakbang nito para labanan ang isa sa pinakamalaking problema ng mundo.
Ilan na rito ang pagpapabuti nito sa koordinasyon upang makauwi sa bansa ang mga Filipino migrant workers na biktima ng human trafficking. Bukod dito, tagumpay din umanong napaparusahan ang mga taong nasa likod ng naturang gawain tulad ng mga opisyal na sangkot sa sex trafficking at labor traffickers.
Hindi rin umano pinapabayaan ng gobyerno na tulungan ang mga survivors na nagbabahagi ng kanilang testimonya.
Sa kabilang banda, nagpa-alala ang US government na dapat pa ring pagtuunan ng pansin ang iba’t ibang programa tulad na lamang ng bigong imbestigasyon at pagpaparusa sa mga opisyal ng bansana di-umano’y sangkot sa naturang krimen.
Dapat din daw dagdagan ng bansa ang ibinibigay nitong suporta para sa specialized protection at assistance services ng mga batang biktima ng cyber-facilitated sex trafficking.











