Iniimbestigahan na ng Department of Education (DepEd) ang pagkasawi ng grade 3 learner mula sa Lapulapu Elementary School sa Agdao District, Davao City.
Kasunod ito ng napaulat na insidente ng pagtatalo ng mga estudyante.
Napaulat na nasawi ang isang mag-araal matapos umanong hampasin ng notebook sa ulo sa kasagsagan ng alitan.
Sa inilabas na opisyal na pahayag ng DepEd ngayong Sabado, Hulyo 25, sinabi ng ahensiya na nakikipag-ugnayan na ang DepEd Regional Office Xi, Schools Division ng Davao City at school administration sa mga otoridad kaugnay ng napaulat na insidente at nagbibigay na ng kaukulang tulong sa naulilang pamilya.
Binigyan din ng psychosocial support ang mga apektadong mag-aaral at school perosnnel.
Kaugnay naman ng insidente, binigyang-diin ng DepEd na isinasagawa na ang angkop na child protection at administrative processes salig sa batas habang sinisiguro ang pagpapairal ng due process at maprotektahan ang mga karapatan ng mga batang sangkot sa insidente.
Kasabay nito, hinimok din ng kagawaran ang publiko na iwasan ang pagpapakalat ng mga espekulasyon o hindi beripikadong impormasyon kaugnay ng insidente.














