-- Advertisements --

Nagpahayag nang suporta ang Japan sa 2016 Arbitral Ruling na kumikilala sa Exclusive Economic Zone ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Kasabay ito sa isinagawang Inaugural Japan-Philippines Foreign and Defense Ministerial Meeting (“2+2”) sa Tokyo, Japan sa pagitan nina Foreign Affairs Teodoro Locsin, Jr. at Defense Secretary Delfin Lorenzana; at Japanese Foreign Affairs Minister Hayashi Yoshimasa; Japanese Minister of Defense Kishi Nobuo.

Sa naturang pagpupulong sumang-ayon ang Japan sa posisyon ng Pilipinas laban sa iligal na pag-aangkin, militarisasyon, pananakot, pagbabanta at paggamit ng dahas sa West Philippine Sea.

Nagpahayag din ng pagkabahala ang mga ministro sa anumang aksyon sa naturang karagatan na maaring magdulot ng tensiyon.

Kasabay nito nanindigan ang mga opisyal sa freedom of navigation and overflight sa pinag-agawang karagatan, at pagresolba sa mga maritime claims sa pamamagitan ng “rules-based approach” ng naayon sa international law, partikular sa United Nations Convention on Law of the Sea (UNCLOS).

Nanawagan naman ang mga ministro sa maagang pagpasa ng “Code of Conduct in the South China Sea” na sang-ayon sa UNCLOS, at hindi lalabag sa mga lehitimong karapatan ng mga bansang may interes sa naturang karagatan.