-- Advertisements --

Nakarating na sa Oriental Mindoro ang Cash and Rice Distribution (CARD) program at nasa 2,000 residente ang natanggap ng tulong pinansyal at bigas mula sa naturang revolutionary program na pumupunta sa iba’t ibang distrito ng bansa.

Ayon kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang programa ay isang patunay sa walang kapagurang paghahanap ng solusyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang matulungan ang mahihirap na Pilipino na lubhang apektado sa pagtaas ng presyo ng bilihin.

“Isa ito sa mga panawagan ni Pangulong Bongbong Marcos, ang maghatid tayo ng kalinga sa ating mga kababayan na hirap sa pang-araw-araw na gastusin at pagkain. Kaya natin naisip ang programang ito para matulungan ang mga sektor na kailangan ng konting alalay,” ani Speaker Romualdez na siyang pangunahing nagsulong ng programa.

“Sa CARD Program, tinututukan natin ang mga vulnerable sector ng ating lipunan, tulad ng mga indigent senior citizens, persons with disabilities, mga solo parents at mga indigenous people o IP. At siniguro natin na mabibigyan natin ang lahat ng distrito sa Pilipinas dahil per district ang ating distribution,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.

Ginanap ang pamimigay ng ayuda sa ilalim ng CARD program sa Mindoro State University Gymnasium sa bayan ng Victoria.

Nakasama ni Speaker Romualdez sa event sina Oriental Mindoro Gov. Humerlito Dolor, at Rep. Arnan Panaligan.

Umabot sa 50,000 kilo ng bigas ang naipamahagi sa may 2,000 kuwalipikadong benepisyaryo sa Oriental Mindoro.

Sa ilalim nito makatatanggap ang mga benepisyaryo ng tig-P2,000 na halaga ng tulong pinansyal sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) kung saan P1,000 dito ay cash at ang P1,000 ay pambili ng 25-kilo ng bigas.

Tinukoy ng DSWD ang mga benepisyaryo na pawang mga senior citizen, PWDs, solo parents at IPs.

Nabansagan na si Speaker Romualdez bilang “Mr. Rice” hindi lang dahil sa mga programa nito ng pamimigay ng bigas kundi maging sa paglaban nito sa mga rice smuggler, hoarder, at kasabwat ng mga ito sa pamahalaan.

“Ang bigas ay buhay. At hindi natin pababayaang mawalan ng access sa murang bigas ang ating mga kababayan. Kaya ang lahat ng aming pagsisikap dito sa Kamara ay nakatuon dito sa pagpapamura ng bigas, kasama na ang pagtugis sa mga rice smugglers,” ani Speaker Romualdez.