KORONADAL CITY – Nananatili pa rin ngayon sa mga paaralan at barangay gym na ginawang evacuation centers ang mahigit sa 200 mga indibidwal sa Barangay Biwang, Bagumbayan, Sultan Kudarat.
Ito ang naging kumpirmasyon ni Kagawad Romulo Tabsing ng Barangay Biwang, Sultan Kudarat sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Tabsing, pansamantalang lumikas ang mga ito dahil sa pag-apaw ng tubig sa Allah River na isa sa mga pinagkukunan ng tubig para sa irigasyon ng mga residente sa lugar.
Dagdag pa nito, 4 na purok parin ang apektado ng baha sa kanilang barangay at pahirapan din ang pagtawid sa Allah Bridge dahil sa pagkawasak ng ginagawang dike na magsisilbi sanang flood control system ng kanilang bayan.
Nagpapasalamat naman ito na walang naitalang casualty sa kanilang mga residente.
Samantala, lubog pa rin sa tubig baha ang halos 100 ektarya ng palayan na aanihin na sana ng mga magsasaka kasama ang bagong tanim na mga palay.
Nanawagan naman ito sa mga residente na huwag nang magmatigas ng ulo sa oras na pinapalikas na ang mga ito ng mga otoridad habang patuloy naman ang pagdating ng ayuda para sa mga residente na nasa evacuation areas.