Inaasahan na raw na bababa pa ang mga bagong kaso ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa National Capital Region (NCR) sa mga susunod na linggo.
Ayon kay OCTA Research fellow Dr. Guido David, kasunod na rin ito ng COVID-19 growth rate sa NCR na negative 7 percent.
Aniya noong Nobyembre 11 hanggang 17 ay mayroong average na 379 daily news cases ang naitala sa Metro Manila na mas mababa sa 407 noong Nobyembre 4 hanggang 10.
Dahil dito, sa katapusan ng Nobyembre ay asahan daw ang 200 na bagong kaso ng COVID-19.
Ang positivity rate naman ay inaasahang papalo sa 2 percent ngayong linggo mula sa dating 0.5 noong Nobyembre 14 at 3 percent noong Nobyembre 10 hanggang 16.
Sa kabila nito, sinabi naman ni David na kailangan pa ring sundin ng pamahalaan ang minimum public health standards para hindi na muling sumipa ang kaso ng covid sa NCR.