Tuloy ang search and rescue operation ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa 20 tripulante ng barko na sumadsad kahapon ng hapon sa baybayin ng Barangay Cantapoy, Malimono Surigao del Norte.
Ayon sa PCG Station Surigao del Norte, hanggang sa ngayon ay nawawala pa rin ang 20 crew members ng Landing Craft Tank (LCT) Cebu Great Ocean matapos itong mapadpad sa shoreling ng Malimono.
Sa inisyal na imbestigasyon, kargado ng mga nickel ore ang barko at mayroong kargang 2,000 litro ng diesel.
Agad na nagpadala ng deployable response group (DRG) ang Coast Guard sa lugar para hanapin ang mga tripulante nito at nakipag-ugnayan din sa Marine Environmental Protection Unit sa PCG District North Eastern Mindanao para tiyakin na hindi magkakaroon ng oil spill sa karagatan ng Malimono.
Kagabi, una nang pansamantalang itinigil ang search and rescue operation sa mga nawawalang tripulante dahil sa poor visibility at malalaking alon sa laot.
Nag-isyu na rin ng “Notice to Mariners” ang PCG Station sa Surigao del Norte sakaling may mga matagpuan sinoman sa mga nawawalang tripulante.
Ayon kay PCG Spokesman Commodore Armand Balilo, kaninang umaga ay mayroon pang contact sa liferaft ng mga tripulante subalit nahirapan ang mga search and rescue team dhail sa malalaking alon.
Bagamat hindi pa klaro sa ngayon kung bakit nawawala ang mga tripulante ng LCT Cebu Great Ocean, sinabi ni Commodore Balilo na nagdeklara ng abandon ship ang mga crew members nito.