Kinilala ng pamahalaan ang naging kabayanihan ng 20-member contingent ng Philippine National Police na nagsilbing peacekeepers ng United Nations sa South Sudan.
Kasabay ng idinaos na flag raising sa Kampo Crame sa Quezon City ngayong araw ay ginawaran ng Medalya ng Kasanayan ang naturang peacekeeping team na binubuo ng 13 babae at pitong lalaking police officers sa pangunguna nina PNP Chief PGen. Benjamin Acorda Jr., at DFA Sec. Enrique Manalo.
Ang naturang mga police officers ay idineploy sa mga African nation mula Nobyembre 17, 2022 hanggang December 20, 2023.
Sabi ni PNP Chief Acorda, ipinakita ng naturang mga pulis ang values, integrity, service at excellence ng buong hanay ng Pambansang Pulisya.
Aniya, bilang isa ang Pilipinas sa mga tagapagtaguyod ng peacekeepers sa Southeast Asia ay nananatili ang PNP sa commitment nito na protektahan ang kabataan, itaguyod ang gender equality, at suportahan ang sustainable development para sa mga mamamayan ng isang diverse nationalities.
Kung maaalala, ang Limbas Squadron ng Philippine Air Force na idineploy sa Congo sa 1963 ang kauna-unahang peacekeeping contigent na ipinadala ng Pilipinas sa ibang bansa.