-- Advertisements --
Philhealth

Nadagdagan pa raw ang mga kasong naisampa sa korte na iniimbestigahan ng Department of Justice (DoJ) kaugnay ng katiwalian sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).

Ayon kay DoJ Prosecutor General Benedicto Malcontento, kasalukuyang iniimbestigahan ng Philhealth ang pito pang kaso at ila sa mga ito ay nasa korte na.

Una rito, sinabi ni Malcontento na 20 kaso na may kaugnayan sa katiwalian sa Philhealth ang naimbestigahan na ng DoJ-Task Force Againts Corruption (TFAC).

Hindi pa kasama rito ang pitong reklamo na isinampa ng National Bureau of Investigation (NBI) laban sa ilang opisyal ng state-run insurer sa Office of the Ombudsman.

Kung maalala bago pa mabuo ang task force noong Agosto 2020, mayroon nang anim na reklamo ng katiwalian sa PhilHealth ang nakabinbin sa Ombudsman.

Sa ngayon, aabot pa sa 20 reklamo ang iniimbestigahan ng task force na binuo ng DoJ.

“May pito na na-file ang NBI pending sa Ombudsman at may 20 po ngayon, additional 20 cases na under investigation,” ani Malcontento.

Okubre noong nakaraang taon, matapos ang endorsement ng DoJ, nasampahan na ng criminal complaints ang ilang Philhealth officials.

Kabilang na rito ang dating president at chief executive officer na si Ricardo Morales dahil umano sa isyu sa Interim Reimbursement Mechanism (IRM) na nagpo-provide ng emergency cash advances para sa medical facilities kapag may pandemic.

Noong nakaraang buwan, sinampahan ng NBI si Morales at iba pang Philhealht officials ng kaso dahil sa umano’y paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act dahil sa maanomalyang paglalabas ng P33.8 million na nasa ilalim ng IRM funds sa B. Braun Avitum Philippines Inc., isang dialysis center na nag-o-operate nationwide.

Ayon sa NBI, nailabas daw ang pondo ng IRM bago pa man pumutok ang Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Ginamit ang pondo para sa hemodialysis procedures na hindi naman umano ikinokonsiderang unexpected kumpara sa covid pandemic.