-- Advertisements --

 Nais ngayong magpatawag ng isang congressional inquiry si Deputy Speaker Bernadette Herrera sa kabiguan daw ng ilang food delivery applications na ibigay ang 20-percent discount na ipinagkaloob ng batas para sa mga senior citizens.

Kasunod na rin daw ito ng dumadaming nagrereklamong mga senior citizens na hindi nabibigyan ng 20-percent discount na nasa ilalim ng law for food deliveries gamit ang applications gaya ng Food Panda, Grab at iba pang applications.

Binigyang diin ni Herrera na base sa Section 3(g) ng Republic Act (RA) 9944 o ang Expanded Senior Citizens Act of 2010, kailangang mabigyan ng 20 pursiyentong diskwento ang lahat ng mga senior citizens para sa delivery ng mga orders sa kondisyon na mayroon silang  senior citizen identification card number kapag sila ay oorder sa pamamagitan ng telepono.

Maliban dito, kailangan din umanong iprisinta ng senior citizen ang kanyang senior citizen ID card sa magde-deliver ng kanyang order para mapatunayan kung ito ay senior citizen talaga para mabigyan ng discount.

Kabilang naman sa batas ang mga food deliveries sa pamamagitan ng Food Panda, Grab at iba pang kahalintulad na applications.

Ang panukala ng kongresista ay para na rin sa konsiderasyon at tulong sa mga senior citizens dahil sa limitadong kita dulot ng mahigpit na mga restrictions dahil sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.