Naaresto sa isinagawang entrapment operations ng PNP CITF ang dalawang tinaguring kotong cops sa Payatas Road, Quezon City.

Ayon kay PNP CITF chief, SSupt Jose Chiquito Malayo, na mag-aalas-2:00 ng hapon kanina ng isagawa ang operasyon at naaresto sina P03 Anthony Tecson at SPO2 RaulNadera na mula sa Traffic Division ng QCPD.

Kasama umano ang dalawang pulis sa siyam pang mga suspek na mga empleyado ng QC Hall Traffic Division na nagsasagawa ng random smoke belching test sa mga motorista.

Bago isinagawa ang entrapment, nakatanggap umano ng mga reklamo ang CITF laban sa dalawang kotong cops na umanoy kakutsaba ng mga empleyado ng QC traffic division para mangotong sa mga motorista.

Sinabi ni Malayo na pinapara umano ng mga kotong cops ang mga motorista at tinatanong kung magbigay na lamang ng pera o sasailalim sa smoke belching test o di kaya maisyuhan ng traffic investigation report.