Inakyat ng dalawang tao ang pinakatuktok ng spire ng Empire State Building sa New York City nitong Miyerkules upang mag-unfurl ng isang malaking banner na nananawagan para sa pandaigdigang kapayapaan, na kalauna’y tila nauwi sa isang marriage proposal.
Nakasuot ng sleeveless black outfits ang dalawa habang nakahawak sa antenna spire ng kilalang gusali, malapit sa umiilaw na pulang ilaw sa tuktok nito na may taas na humigit-kumulang 1,454 talampakan (443 metro) mula sa kalsada ng Midtown Manhattan.
Hawak nila ang isang itim na banner na may puting all-capital letters na nakasulat: “When the power of love beats the love of power the world knows peace.”
Hindi pa batid ng mga awtoridad kung sino ang mga indibidwal o kung paano sila nakarating sa naturang bahagi ng gusali.
Bandang 12:30 p.m., dahan-dahan silang bumaba sa mas mababang bahagi ng antenna structure, kung saan ayon sa aerial video, isa sa kanila ang lumuhod na tila nauwi sa marriage proposal bago sila nagyakapan at naghalikan.
Ayon sa isang tagapagsalita ng New York Police Department (NYPD), patuloy pang inaalam ang insidente at wala pa silang karagdagang detalye sa ngayon.









