Naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang kabuuang 287 na earthquake swarm o magkasunod na lindol sa karagatan ng Bolinao, Pangasinan mula pa noong Mayo 27, 2026 hanggang kaninang alas-7:00 ng umaga ngayong Biyernes, Hunyo 26, 2026.
Hanggang ngayon nagpapatuloy ang earthquake swarm sa lugar.
Ang mga naitalang lindol ay may lakas na magnitude 1.8 hanggang 5.1 at naganap sa lalim na 2 hanggang 47 kilometro.
Sa mga ito, iisa lamang ang naiulat na naramdaman ng publiko, na may Intensity II.
Ipinaliwanag ng ahensya na ang earthquake swarm ay sunod-sunod na lindol na nagaganap sa iisang lugar at magkakalapit ang oras ng pagyanig, ngunit walang malinaw na mainshock o pangunahing lindol at mga kasunod na aftershock.
Ayon sa PHIVOLCS, ang ganitong uri ng pagyanig ay maaaring magpatuloy nang ilang araw, ilang linggo, o sa ilang pagkakataon ay mas matagal pa. Maaari rin itong humantong o hindi humantong sa mas malakas na lindol.
Gayunpaman, pinapayuhan ng institusyon ang publiko na isagawa ang mga sumusunod na paghahanda:
Una, manatiling mapagmatyag at isabuhay ang kahandaan sa lindol. Pangalawan, alamin ang pinakaligtas at pinakamabilis na ruta patungo sa evacuation area. Pangatlo, maghanda ng emergency supply kit. Pang-apat, isagawa ang “Duck, Cover, and Hold” habang lumilindol.
Pinaalalahanan din ng PHIVOLCS ang mga komunidad sa baybayin na maging alerto sa mga likas na senyales ng tsunami, tulad ng malakas at matagal na lindol, hindi pangkaraniwang pag-urong o pagtaas ng tubig-dagat, at malakas na ugong na nagmumula sa dagat.
Sakali aniyang mapansin ang alinman sa mga senyales na ito, agad na lumikas patungo sa mas mataas na lugar.














