Nakatakdang pagbotohan ulit ng mga senador sa Estados Unidos ang pagpasa sa economic stimulus bill na hinarang ng mga Democrats na magbibigay tulong sana sa mga taong maaapektuhan ng coronavirus pandemic.

Ayon sa mga ito, masyado raw malaking halaga ang $2 trillion o halos P102 trillion na ipamamahagi sa mga kumpanya dahil kukulangin naman ang ibibigay para sa mga working families.

Pinatutsadahan ni Senate Majority Leader Mitch McConnell ang mga Democrats dahil sa hindi nila pagtanggap sa isinusulong ng GOP na coronavirus rescue package.

Ngunit aniya umaasa pa rin ito na magbabago ang isip ng mga Democrats sa oras na magbukas muli ang U.S financial markets.

Paliwanag naman ng Democrats na ginugulo lamang ni McConnell ang isang panukala na magbibigay kakayahan sa malalaking kumpanya na talikuran ang kanilang responsibilidad sa mga empleyado nito.

Ikinakatakot din umano nila ang posibilidad na gamitin ng mga CEO ang taxpayer funds para payamanin pa ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng stock buybacks at executive pay hikes sa oras na matapos na ang krisis.