VIGAN CITY – Kasong murder ang haharapin ng dalawang lalaking edad 19 at 21 na taga-Santa, Ilocos Sur dahil sila ang pinaniniwalang nanghampas ng kahoy sa isang 14- anyos na Grade 10 student na sanhi ng pagkamatay nito.
Ang mga suspek na sina Rollie John Bringas, 19 na taga- Quezon District, Santa at si Harvee Sedantes, 21 taga-Pasungol, Santa ang mga naunang pinangalanang suspek ng 16 na testigo sa pangyayari.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Police Lt. Jerry Arzabal, hepe ng Santa municipal police station, sinabi nito na ang pagsasampa nila ng kaso ay nakabase sa sinumpaang testimonya ng testigo pagkatapos ng insidente.
Ngunit, patuloy pa rin umano ang malalimang imbestigasyon sa pangyayari nang sa gayon ay mabigyan ng hustisya ang biktima.
Samantala, ngayong araw umano ihahatid sa huling hantungan ang biktimang si Rodolfo Kristan Pancho II at kasabay nito ay nais ng pamilya na hindi maibaon sa hukay ang kaso nito.