Nakatakda nang ipa-deport ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang South Koreans na wanted sa telecom fraud at isang Chinese national na sangkot naman sa economic crimes sa kanilang mga bansa.
Sinabi ni BI Commissioner Jaime Morente na ang dalawang South Koreans ay kinilalang si Kim Changhan, 25 at Kim Junhee, 38 na naaresto ng mga operatiba ng fugitive search unit (FSU) sa magkahiwalay na operasyon sa Makati City at Porac, Pampanga.
Ang Chinese na babae naman ay si Zhang Yujie, 51 na naaresto rin ng BI-FSU operatives sa Mandaluyong City.
Sinabi ni BI chief na ang dalawang South Koreans ay mayroon nang summary deportation orders na inisyu sa kanila noon pang 2019 at 2020 dahil sa pagiging undesirable aliens.
Ayon kay BI-FSU chief Rendel Ryan Sy, ang deportation order laban kay Kim Changan ay may kaugnayan sa arrest warrant na inisyu ng Seoul Central District Court noong October 2020 habang si Kim Junhee naman ay nahaharap sa warrant of arrest na inisyu ng Seoul Nambu District Court noong July 2019.
Subject din ang mga ito ng red notices na inisyu ng Interpol.
Ang impormasyon ay nakuha ng national central bureau (NCB) ng Interpol sa Manila a sinasabing si Kim Changhan ang leader ng telecom fraud syndicate na nakabase sa Sandong-sung, China ay sangkot sa voice phishing para makakulimbat ng mahigit 63 million won o US$53 million na katumbas ng mahigit P2.6 billion.
Si Kim Junhee na miyembro ng sindikatong naka-base sa Tianjin, China ay nakakulimbat din ng ng 110 million won o US$92 million P4.6 billion.
Ang tatlo ay nakaditine sa BI facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.