-- Advertisements --

Dalawang babae na pinaniniwalaang biktima ng human trafficking ang napigilan ng Bureau of Immigration (BI) sa pag-alis sa bansa.

Ito ay matapos na maharang ng Travel and Control Enforcement Unit (TCEU) ng BI ang dalwang babae sa Ninoy Aquino International Airport bago pa man sila sumakay sa kanilang flight papuntang Middle East, ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente.

Isa sa kanila ay naharang sa NAIA Terminal 3 noong Mayo 31 bago pa man ito makasakay sa kanyang flight papuntang Doha.

Iniulat ng TCEU na base sa dokumentong ipinakita ni alyas “Sari” siya ay mula sa Sultan Kudarat at siya ay may edad nang 27-anyos.

Pero matapos na magbigay ng magkakasalungat na sagot nang sumalang ito sa interview, inamin ni Sari na siya ay 21-anyos pa lamang.

Yung babae aniya na nagpapakilala bilang kanyang recruiter ay nagsabi sa kanya na siya na muna ang tatanggap sa unang tatlong sahod nito bilang household service worker sa Qatar kapalit nang pagproseso sa kanyang mga travel documents.

Ang isa namang babae ay nagpakita ng travel documents kung saan nakalagay na siya ay 25-anyso na pero kalaunan ay inamin nito sa interview na siya ay 19-anyos pa lamang.

Nabatid na ang minimum age requirement para sa Filipino HSW ay 23-anyos.

Sa ngayon, nasa Inter-Agency Council Against Trafficking na ang dalawang biktim para matulungan din sila sa paghahain ng kaso laban sa kanilang mga recruiters.