Arestado ang dalawang hinihinalaang suspek sa pagdukot sa isang miyembro ng Philippine Air Force (PAF) matapos ang ginawang operasyon ng Task Force Greyhound ng Marikina City Police Station.
Kinilala ni Marikina City, Chief of Police, Col. Benliner Capili ang mga suspek na umanoy mga kidnappers na sina Marvin Baratteng alyas Kano at Erica Albano na pawang mga residente rin sa nabanggit na lungsod.
Ayon kay Capili, naaresto ang mga suspek sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Marikina City Regional Trial Court para sa mga kasong kidnapping at serious illegal detention.
Ayon kay Phil Air Force Spokesman, Col. Maynard Mariano, 2020 nang mapaulat ang pagdukot kay Technical Master Sgt. Reofil Alvarez.
Na rescue kalaunan si Alvarez ng mga tauhan ng Marikina Police kaya’t nakapaghain ito ng kaso sa korte laban sa mga suspek.
Ikinatuwa naman ng Air Force ang development na ito sa kaso ng kanilang tauhan at umaasa silang makakamit din ni TMSgt. Alvarez ang katarungang nararapat para sa kaniya.