CENTRAL MINDANAO- Binawian na ng buhay ang isa sa dalawang sundalo na pinagbabaril sa Midsayap Cotabato.
Nakilala ang binawian ng buhay sa pagamutan na si PFC Mel Jay Bernal habang ligtas na si Corporal Earl Tabaranza pawang nakatalaga sa Intelligence Unit (S2) ng 34th Infantry Battalion Philippine Army.
Matatandaan na habang sakay ang dalawang sundalo sa isang motorsiklo sa Brgy Central Glad Midsayap Cotabato ay bigla silang dinikitan ng riding in tandem suspects at pinagbabaril gamit ang kalibre.45 na pistola.
Mabilis namang tumakas ang mga suspek na pinaniniwalaang mga miyembro ng BIFF Liquidation Squad patungo sa liblib na lugar sa bayan ng Midsayap.
Agad dinala ng mga nagrespondeng militar at pulis ang mga sugatan sa Anecito Pesante Sr Memorial Hospital sa bayan ng Midsayap ngunit binawian ng buhay si Bernal.
Sa ngayon ay may mga person of interest nang iniimbestigahan ang Midsayap PNP at 34th IB sa pamamaril sa dalawang sundalo.