(Update) CENTRAL MINDANAO – Nagpapagaling na lamang sa pagamutan ang dalawang sundalong pinagbabaril sa lungsod ng Cotabato.

Una nang nakilala ang mga biktima na sina Pfc. Clyde Najera at Pvt. Rico Zamora na kapwa nakatalaga sa 549th Engineering Brigade Philippine Army sa Awang, Datu Odin, Sinsuat, Maguindanao.

Sinasabing sakay ang mga biktima sa isang motorsiklo sa Sinsuat Avenue, Cotabato City nang bigla itong dikitan ng riding in tandem suspects at pinagbabaril gamit ang kalibre .45 na pistola.

Nagtamo ng tama sa kanilang likod at daplis sa ulo ang mga biktima.

Marami ang naniniwala na posibleng kagagawan umano ng liquidation squad ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang namaril sa dalawang sundalo.

Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa lungsod.