-- Advertisements --

DAVAO CITY – Arestado ang dalawang sundalo, isang empleyado ng Local Government Unit ng Davao del Norte at 3 pang indibidwal sa ikinasa na buybust operation sa Purok 13, Barangay San Miguel, Tagum City.

Kinilala ang mga naaresto na sina PFC Butch Ysmael Tabuzares, PFC Rigor Ramales, William De Vera, Job Order sa Davao del Norte LGU at ang 3 bisita sa drug den na sina Yul Clin Misoles, Jodee Porlares at Mike Guadelquiver kung saan nahuli din sa akto habang nagsasagawa ng shabu session.

Arestado din ang may-ari ng bahay na nagsisilbing drug den na si Armando Parallaga alyas Manding, 56 anyos, may asawa, delivery van driver at nakatira sa lugar dahil na rin sa pagbebenta ng isang sachet ng hinihinalang shabu na humigit-kumulang isang gramo ang bigat na tinatayang nagkakahalagang siyam na libong piso sa isang PDEA Agent na nagpanggap na poseur buyer.

Arestado rin ang kanyang live-in partner na si Meshel Dano at partner nito sa nasabing drug den operation.

Nasamsam ang kabuuang 15 pakete ng shabu na may bigat na 46 gramo na nagkakahalaga ng P312,800, mga drug paraphernalia, isang unit ng point 45 pistol, 12-gauge shotgun, 9mm Uzi Sub-Machine Gun, mga bala ng baril at marker money.

Sa ngayon, inaayos na ang pagsasampa ng kaso laban sa mga naaresto dahil sa paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.